Dahil Tayo ang Lahing Kayumanggi

Hunyo labingdalawa dalawang libo at labing anim.

Batid na ng bawat Pilipino ang ginugunita sa araw na ito taon-taon. Marahil sa ilan ay isa itong araw ng pahinga mula sa eskwelahan o kaya naman ay double-pay sa trabaho mula sa kompanyang pinapasukan. Ngunit bukod sa mga nabanggit, hindi ba’t mas masarap isipin na  alam ng bawat Pilipino ang natatanging dahilan ng araw na ito? Araw na kalayaan. Araw ng ating kasarinlan.

KALAYAAN. Isang salita, may apat sa pantig, may isang libong kwento. Hindi nakakulong sa apat na sulok ng silid-aralan at sa bawat malutong na pahina ng aklat ang kahulugan ng salitang ito. Hindi rin dito natatago ang masalimuot na kasaysayan ng ating bansa. Marami nang manunulat ang nagtangkang isalaysay ang nakaraan at ilarawan ang lahat ng mga kaganapan. Sa katunayan, bugbog na tayo sa mga nakalilitong petsa, dami ng ngalan ng tao na kailangang kabisaduhin na tila ba naging isang parusa upang ipasa ang isang mahabang pagsusulit. 

Ngunit sa kabila nito, wala nang makahihigit pa sa pagsasapuso ng kahalagahan ng kalayaan na ipinaglaban ng ating mga dakilang bayani. Sila ang mga katangi-tanging nakidigma para sa kasarinlan ng bansa. Sila ang may matatapang na loob upang gupiin ang mga mananakop na nagpahirap sa bawat Pilipino. Sila ang dahilan ng kalayaan na ating natatamasa magpasa-hanggang ngayon. Utang natin sa mga magigiting na Pilipino kung bakit tayo may sariling pagkakakilanlan, kultura at lupain. Ilang toneladang dugo na ba ang dumanak sa pagkamit ng kalayaang hinihintay? Ilan ang nagbuwis ng buhay upang mapagtagumpayan ang di-matapos-tapos na digmaan? Ilang taon ang tinimpi upang kasarinlan ay mawaksi mula sa nakukubling anino ng malalaking bansa? Hindi na mabilang.. tila patak ng ulan. Sila ang mga taong ipagmamalaki mo saanmang sulok ng daigdig–mga bayaning Pilipino. Kung kaya’t nararapat lamang na habambuhay nating ipagpapasalamat ang regalong ito na nagmula sa lipi ng lahing kayumanggi. Dangal. Dugo. Tagumpay. 

Ipinagmamalaki mo bang isa kang Pilipino? Na galing ka sa lahing bihasa na sa digmaan? Na galing ka sa liping bayoneta ang naging sandata at tanging lakas ng loob ang baon sa giyera? Masaya ka ba sa simbolismo ng kulay mo? Sana naman oo. Ngunit ano na ba ang iyong nagawa upang ipakita ang iyong pagmamahal sa Inang Bayan? Mayroon na ba? Sana naman. Ngunit lilinawain ko, hindi mo kailangang magbuwis ng buhay upang ipakita ang iyong pagmamahal sa bayan. Hindi mo kailangang maging isang Rizal na maglalakbay sa Europa at iba pang panig ng mundo upang hanapin ang sariling pagkakakilanlan ng bansang kinamulatan. O di kaya naman e maging isang Heneral Luna na gagamit ng kamay na bakal upang pamunuan ang mga haligi ng bansa. Hindi mo kailangang maisulat sa mga susunod na lilimbaging libro upang ipamalas ang malasakit sa bansa.

Sa mga simpleng bagay na kadalasan ay nilalampasan lamang ng ating paningin, maaari na nating ipakita na nasa puso natin ang tinagurianng Perlas ng Silangan. Sa pagiging makabayan natin maipararamdam na anak tayo ng Pilipinas. Simulan mo sa pagiging isang disiplinadong mamamayan. Ipakita mo na kahit saan ka man mapadpad, may disiplina ka sa sarili mo. Ikaw dapat yung tipo ng tao na nagtatapon ng basura sa tamang lugar, hindi dumudura sa kung saan-saan at may mabuting asal na tinataglay. Ipakita mo na may pagpapahalaga ka sa kulturang kinamulatan ng mga Pilipino. Pagyamanin mo at pagyabungin ang sibika. Tuklasin mo din ang iyong natatagong talentong ipinagkaloob ng MayKapal. Hindi mo alam, baka maging lakas ito ng ating bansa na maipagmamalaki sa kanino man. Ikasa mo ang iyong kakayanan sa entabladong nais mong galawan. Mahalin mo din ang iyong mga magulang. Sila ang unag taong ipagmamalaki ka. Tupdin mo ang kanilang mga pangarap para sa iyo. Higit sa lahat, sikapin mong makapagtapos ng iyong pag-aaral. Hindi ba’t isa sa mga bagay na kayang-kaya mong ipagmalaki sa kahit na sino ay ang iyong diploma. Maaaring isang piraso lamang ito ng papel ngunit sa likod nito ay mga nakatagong istorya ng pagluha, paggiliw at pag-asang magbabago sa buhay ng isang mag-aaral. Ang mga ito ay mga bagay na kung tutuusin ay kaya mong makamit kung mayroon kang pagsisikap at dedikasyon sa mga bagay kung saan ang puso mo ay nananahan.

Paglingkuran mo ang bayan. Maging bahagi ka ng lakas-paggawa at umambag sa ekonomiya ng bansa. Malaking bahagi ng buwis na galing sa mga manggagawa ang nagpapaangat sa pang-ekonomiyang kalagayan ng bansa. Nakalulungkot lamang isipin na nasa tuktok ng isipan ng bawat kabataang mag-aaral sa panahon ngayon ang paglalayong makapangibang bansa matapos makakuha ng diploma sa kanilang sintang paaralan. Hindi ko naman sinasabing kinokondena ko ang mga taong nangingibang-bansa upang kumita ng pera. Hinahangaan ko ang mga bagong bayani ng henerasyong ito, sa katunayan. Hindi naman maiaalis sa kanila na humanap ng mas matibay na pagkukunan ng ikabubuhay. At ang desisyong gaya nito ay lubos na iginagalang ng lahat.

Subalit nakapanlulumong ikintal sa isip na matapos silang hubugin ng mga paaralang nasa Pilipinas, sa ibang bansa nila gustong ialay ang kanilang serbisyo. Nauubusan na tayo ng taong tapat na maglilingkod sa bayan sa abot ng kanilang balintataw. Tila nililirip ng nag aalimpuyong ipo-ipo ang pambansang layuning pagyabungin ang bawat sektor ng lipunan sa pamamagitan ng pagkuha sa mga Pilipinong nagtapos bilang mga kawani ng gobyerno at masisigasig na manggagawa. Dahil ang katotohanan, pinipili nilang magpaalipin at maging empleyado sa ibang lupalop ng daigdig kaysa sa sarili nilang tahanan. Masakit isipin na nawawala na sa bokabularyo ng mga PIlipinong nililok ng edukasyon bilang isang institusyon ang pagiging tapat sa bayang kumupkop sa kanya. Sana hindi pa patay ang pag-asang patibukin muli ang pusong makabayan. Sana ay magising ang isip ng bawat Pilipino, ng kabataang Pilipino, na gawing prayoridad ang paglilingkod sa bayang sa kanya ay yumakap. Kabataan pa din ang lakas ng ating bansa. Para saan pa at nakidigma ang mga Pilipino noon para sa kasarinlan at kalayaan ng Pilipinas kung hindi naman tayo handang maglingkod sa paraang kaya natin para sa bayan?

Sana sa paggunita natin ng Araw ng Kalayaan, muli nating bigyang tanaw ang makasaysayang nangyari sa nakaraan. Bigyan natin ng isang malaking pagpupugay ang mga bayaning naging dahilan ng ating pagsasarili bilang isang ganap na bansa. Pahalagahan natin ang mga nangyari sa historya at isapuso ang bawat aral na ibinahagi nito. Palayain din nawa natin ang ating mga sarili mula sa pagkakakulong sa bangungot ng nakaraan ng ating kani-kaniyang buhay. Panahon na upang itapak ang mga paa sa entablado ng kasalukuyan at unti-unting iguhit ang hinahangad na hinaharap. Sa pagpikit ng ating mga mata, sa muling pagsilay ng liwanag ng Haring araw, hanggang sa dapithapon ng ating buhay, nawa ay itanim natin sa ating puso ang kahalagahan ng araw kung saan natamasa natin ang isang malaking pagbabago sa lipunan– Araw ng Kalayaan.

Itayo natin ang bandila ng ating bansa kasabay ng pagsaludo sa mga bayani ng mga nakaraang siglo. Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang bawat Pilipino!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s