Pagpupugay sa “Superman” ng Buhay natin

1466676691324

Marahil isa sa pinakamagandang regalo na maaari nating matanggap sa buong buhay natin ay ang magkaroon ng isang buo at masayang pamilya. Kaypalad ng mga batang kagaya ko o ikaw na mambabasa, kung mayroon kang/tayong mabubuting magulang at mga kapatid na inaalalayan ka, sinusuportahan ka sa lahat ng layunin at gusto mo sa buhay. Ngunit masdan natin ang mga taong pinagkaitan ng isang buong pamilya. Nariyan ang mga batang iniwan ng ina, o ng ama. Nariyan din ang mga maagang nangulila sa kanila sa pagpanaw ng kanilang mga magulang. Tila kayhirap mabuhay ng wala ang isa sa iyong mga magulang. May malaking piraso na ng buhay mo ang nawawala.. na kung minsan ay hindi mo na kahit kailan matatagpuan. Kumbaga, sa susunod na karera ng buhay mo, pilay ka na. Kaya ipagpasalamat mo ang simpleng bagay na pagkakaroon ng nanay at ng tatay.

Isang mainit na pagpupugay ang ibinibigay ko sa lahat ng responsableng ama sa mundo! Dakila ang lahat ng “Haligi ng Tahanan” na itinataguyod sa abot ng kakayanan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Sila ang mga bayaning kahit pagal sa pagkayod ay kinakaya pa ring batahin ang hirap para sa asawa at sa mga supling na umaasa. Sila ang mga taong kahit kailan ay hindi sinukuan ang katigasan ng ulo ng mga anak; hindi nagsasawa sa pagsasabi ng kung ano ang tama at ang mali; at humuhubog sa murang isip ng mga supling. Hinahangaan ko ang lahat ng amang kayang gawin at isakripisyo ang lahat para sa kapakanan ng buong pamilya. Maaaring sa bawat pahina ng buhay natin, pangkaraniwan na natin silang nakikitang kumakayod, nag aalaga ng mga anak, gumagawa ng mga desisyon at dinodoble ang sipag sa trabaho. Ngunit, sa kabila nito ay ang isang malaking rason kung paano sila nananatiling matatag at nagiging tila “superman” ng buhay nating lahat– PAGMAMAHAL.

Hindi lahat ng ama ay mapalad sa mga anak. Aminin man natin o hindi, may mga anak na tila nagiging pasanin pa ng mga magulang sa halip na magbigay sa kanila ng karangalan. May mga anak na napapariwara ng landas, maagang nagiging magulang, problemado sa paaralan at iba pang mga suliranin. Ngunit sa kabila ng kamalian nating kung minsan ay halos hindi na maitutuwid pa, hindi tayo sinusukuan ng ating mga magulang, lalo at higit ng ating mga Tatay. Sasamahan nila tayo kahit sa pinakamadilim na landas. Sila ang magsisilbing gabay upang makabangon tayo mula sa ating pagkakadapa at makapagsimula ulit sa buhay. Paulit-ulit nila tayong tatanggapin nang walang halong bahid ng pag-aalinlangan.

Bilang ganti, pagsumikapan nating makapagbalik ng kahit anong mabuti para sa kanila. Gumawa tayo ng mga bagay na tiyak nilang ikatutuwa at kanilang maipagmamalaki. Hindi natin kailangang maging Top 1 sa klase o di kaya naman ay “Best” sa lahat ng asignatura. Sapagkat ang simpleng diploma ay patunay na nagbubunga ang kanilang dugo at pawis sa pagkayod. Malaking kagalakan sa puso ng mga haligi ng tahanan na makita na nakapagtapos na ng pag-aaral ang kaniyang mga anak. Simbolo ito  ng pagpapahalaga natin sa kanilang pagsisikap at paghihirap. Marahil ay isa ito sa pinaka-hindi-matutumbasang regalong maaari nating ibigay sa kanila higit pa sa anumang ginto o pilak. Edukasyon ang yamang nais nilang ipamana sa ating lahat. Gasgas man pakinggan, ngunit sinasalamin nito ang isang malaking katotohanan lalo na sa lipunang Pilipino.

Manapa’y bigyan natin sila ng isang halik at ikulong sa bisig ng ating mga yakap. Simpleng bagay ngunit isang munting paraan upang maipadama natin na mahalaga sila para sa atin. Hindi ba’t kaysarap isipin na sa kabila ng kanilang paghihirap, masabi man lang natin o maipadama na mahal natin sila at sila ang pinakaimportanteng lalaki sa buhay natin? 

Ang mga kahanga-hangang haligi ng tahanan din ang mga hari na pinoprotektahan ang kanilang mga prinsesa. Sila ang pinakametikuloso sa mga prinsipeng inihaharap sa kanyang maririlag na prinsesa. Alam niya ang katangiang nararapat na taglayin ng tao kung saan ipagkakatiwala niya ang kamay ng kanyang anak na inalagaan at pinalaki nang ilang taon. Sila din ang mga haring sinasandalan ng kanilang mga anak sa paniningalang pugad sa babaeng iniirog. Ama ang nagsisilbing huwaran at motibasyon ng kaniyang mga lalabing-animing abril at mga bagong taong mga supling sa pagtuntong ng mga ito sa bagong yugto ng kanilang buhay.

Nais ko ring bigyan ng mataas na pagpupugay ang mga amang maagang hinarap ang responsibilidad ng pagiging isang magulang. Sa kabila ng batang gulang at murang pag-iisip, naging responsable sa pagpapalaki sa anak at naging huwaran ng mga ito. Hindi nila tinakasan ang isang malaking responsibilidad bagkus ay hinarap nang buong kaloooban at matapang na paninindigan. Dahil kung minsan, mas nagiging tatay pa sila sa kabila ng murang edad kaysa sa mga taong nasa tamang gulang na nga ngunit hindi kayang harapin ang mga nakaatang na responsibilidad sa kanilang balikat.

Sa ating paggunita ng natatanging araw ng mga ama, namutawing muli sa aking balintataw ang isang bagay na ginawa ko nito lamang nakaraang semestre kung saan madami akong natutunan. Sa aking ginawang malalim na panayam sa mga nag-iisang haligi ng tahanan- mga ama at asawang iniwan ng kanilang kabiyak- madami akong nalamang mga bagay na kinalaunan ay isinapuso ko na rin. Isa sila sa mga mukha ng isang ama na katangi-tangi at nararapat na bigyan ng pagkilala. Dahil sa kabila ng paglisan ng kanilang katuwang sa buhay, naging matatag sila sa pagharap ng mas malalaking hamon sa kani-kanilang pamilya. Kinailangan nilang tumayo bilang nanay at tatay sa kanilang mga anak upang mapalaki sila  nang maayos at wasto. Tunay silang mga huwaran.

Sa aking mahal na Tatay, maligayang araw ng mga ama! Isa kang alamat! Chos. Salamat sa kalahat-lahatan.. mula nang ako ay isilang hanggang sa kasalukuyang panahon. Salamat sa pagpapalaki pagpapatanda sa akin nang maayos (siguro naman, lol). Seryoso, salamat sa pagtataguyod (naks!) sa amin. Alam kong mahal ako ng Diyos dahil pinagkalooban Niya ako ng isang amang kagaya mo at isang pamilya kung anong mayroon tayo. Isa ka sa mga taong alam kong kahit kailan ay hindi ako iiwan. Ikaw ang lalaking mamahalin ako sa panghabambuhay. Pangako, darating ang panahon, mas maipagmamalaki mo pa ako. Maghintay ka lang.

13435407_1143400279038180_3264977108915918515_n

2016-06-19_16.53.54

PhotoGrid_1466326823546

408700_495518200493061_1972687237_n

11407127_931409533570590_8314974591047101642_n

11330004_931409476903929_7080112706462922293_n

Ikaw, nabati mo na ba ang iyong ama ngayong araw nila? Sana naman. Ipakita natin sa kanila ang ating pagmamahal sa pamamagitan  ng mga simpleng bagay na galing sa puso. Dahil ang mga simpleng bagay na ito ay maaaring magbigay sa kanila ng isang malaking kaligayahan. Siya ang “superman” na binuo ng pagmamahal.

Tatay, Ama, Papa, Daddy, Papsy, Papi, Itay, Dada, Dad, Lolo (o kung ano pa man ang tawag natin sa kanila)

Maligayang Araw ng mga Ama sa lahat ng Tatay sa mundo! Mabuhay po kayong lahat. Saludo po ako sa inyo!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s