Para sa Panibagong Yugto

Unang araw na ng Hulyo. Nangalahati na naman ang taon. Mabilis na uminog ang mundo at mailap ang pagpihit ng oras. Hindi ba’t parang kailan lang ay sinalubong natin ang 2016? O kaya naman ay ipinagdiriwang natin ang kapaskuhan. Marami na ang nangyari at marami na rin ang nagbago. Maaaring sa sarili mo, sa buhay ng ibang tao at sa mga kaganapan sa lipunan o kapaligiran mo. Masdan mo ang iyong kalendaryo. Minsan, mapapabigkas ka na lang, “Ang bilis nga din ng panahon”…

Isa sa pinakamakabuluhang pangyayari sa panahong ito ay ang pagpapalit ng administrasyon kahapon lamang. Naupo na ang bagong Pangulo at mga pinuno ng Pilipinas. Kalakip nito ay ang pagbabagong matagal nang hinihintay ng sambayanan– bagong istilo ng liderato, bagong anyo ng bansa. Taon din ang binilang ng mga anak ni Juan dela Cruz upang lubusan nang matamo ang “pagbabago” at mga repormang nakabinbin lamang sa tinta ng pluma at papel. Madaming mga proyekto at programa ang nais nating matamasa; madaming batas ang gusto na nating maipasa at naniniwala tayong ito na ang panahong matagal-tagal din nating inasam-asam. Bago na ang mga pinuno at umaasa tayo sa isang tunay na pagbabgo.

Datapwa’t bukas tayo sa kaisipang nais natin ng pagbabago, minsan ba ay sumagi sa isip natin ang mga bagay ng kailangan nating panatilihin? mga bagay na minsan ay naisakatuparan ng nakaraang administrasyon. Nakalulungkot isipin na mas nakikita natin ang mga kamalian ng nakaraang administrasyon kaysa sa mga mabubuti nitong nagawa. Walang perpektong gobyerno at mas lalong perpektong tao. Ito ang hamon sa pagiging isang lider. Mas nakikita ng mga tao ang mga kabiguan at kahinaan mo kahit na isampal mo sa kanila ang mabubuting nagawa mo para sa kanila. Minsan ba, sa bawat masasakit na sinasabi mo sa isang pamahalaan, alam mo bang may damdamin ka ding nasasaktan? Minsan ba sa bawat puna mo sa kanila, may nagawa ka nang mabuti para sa bayan? Hindi naman sa ipinagtatanggol ko ang nakaraang pamahalaan at mga lider nito, subalit, sa halip na magpaalam ka sa administrasyong ito nang may pait, bakit hindi ka na lang magpasalamat sa lahat ng mabubuti gayundin ang masasamang nangyari sa pagitan nyo? 

Patuloy pa din ang pambabatikos sa mga lider na nanumpa. Hindi ko maintindihan kung bakit nagagawa ng mga taong husgahan agad-agad ang mga taong ito gayong ni wala pa namang bente-kwatro oras nakaupo sa puwesto ang mga nahirang na mga pinuno. Nariyan ang samu’t saring pambabatikos sa mga plano at plataporma ng Pangulo. Bakit hindi natin hayaang gawin nya ang sa tingin niya ay tama. At kapag hindi  maganda ang naging bunga, saka natin ibulalas ang tinig ng bawat mamamayan? Bigyan natin ng pagkakataon na ihayag ang mga planong ito at mailapat sa bawat sulok ng bansa. 

Sana, kasabay ng pagbabagong sisikaping makamit ay ang pagbabago ng kaisipang ito. Tama na ang pag-iisip talangka. Iisa ang ating bansa na pinagbigkis ng libu-libong isla. Pinagkaisa tayo ng iisang soberanya at iisang konstitusyon. May iisa tayong layunin–MAGKAISA. Ipinamana na ito ng isang administrasyon sa ilalim ng pamumuno ng isang matapang na babaeng Presidente. Ingatan natin at pagyamanin nawa. Pahalagahan hanggang sa kinabukasan, hanggang sa mga susunod na henerasyon.

Lahat tayo ay nananabik napakaraming maaaring mangyari sa loob ng anim na taon. Handa na tayong humarap sa salamin kung saan makikita ang repleksyon ng isang bagong-bihis na Pilipinas. Huwag nating iasa lamang sa mga hinirang nating mga pinuno ang ikabubuti ng bansa. Sabay-sabay nating gawin ang ating mga bahagi sa pagpapaunlad ng Inang Bayan. Hindi hawak ng mga opisyal ng gobyerno kung uunlad ang buhay mo. Magsikap ka pa din. Huwag kang aasa na lamang sa kanila. Tumindig ka sa sarili mong paa at maging matapang sa pakikihamok sa buhay. Gawin mo ang kaya mong gawin para sa lupang matagal na nating tinubos mula sa mga dayuhan. Mahalin natin ang pagyamanin ang anumang nasimulan. Kapit-bisig tayong magtulungan para sa pangkalahatang kabutihan. 

Sama-sama nating harapin ang isang bagong umaga. Banaag ng isang bagong pag-asa. Mabuhay ang bagong administrasyon. Mabuhay ang Pilipinas!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s