Sa Likod ng Maskara

Mabilis ang pag-inog ng mundo. Ang dating nasaksihan at naranasan ng karamihan sa atin ilang dekada na ang nakalilipas ay nakaguhit na sa alaala at gunita. Ang makasaysayang pangyayari ay nailimbag na sa mga pahina ng aklat. Ang mga karanasan ay naibahagi sa iba’t-ibang tao, sa iba’t-ibang lupalop.

Kapag Araling Pilipino na ang pinag-usapan, hindi maitatangging kabilang dito ang makasaysayang panahon ni Marcos. Isang malaking piraso na bumuo at sumubok sa ating pagka-Pilipino. Kamakailan lamang ay ginunita ng bansa ang pagkakatatag ng Martial Law sa Pilipinas ilang dekada na ang nakaraan. Isang paggunitang sumusulyap sa karimlan ng nakaraan.  

Aaminin ko, hindi ako masyadong taga-hanga ng kasaysayan noong sekundarya at elementarya. Hindi ako mahusay magmemorya ng mga petsa, ngalan ng mga tao, heograpiya at kung anu-ano pang tinatalakay sa nakaraan. Nakalulungkot mang isipin na nagkaroon lamang ako ng interes sa kasaysayan mula ng kumuha ako ng kurso tungkol kay Rizal (PI 10). Dito ko lamang higit na nakilala ang Pilipinas sa paraang ninais ko. Hindi ako basta napipilitan lamang magbasa dahil sa pagsusulit, ngunit bunsod ng mga nabubuong samu’t saring kuru-kurong nabubuo sa isip ko. Tila isang nobelang gusto kong sundan at unawain ang mga susunod na kabanata. 

Hilaw ang aking kaalaman pagdatiing sa anyo ng Pilipinas sa ilalaim ng administrasyong Marcos. Ngunit dahil ang Martial Law o Batas Militar ay isang mabigat na kabanta sa buhay ng mga Pilipino, marapat lamang na magbigay tanaw tayo sa pangyayaring ito. Nais kong magpahayag ng aking saloobin at kuro-kuro ukol sa usaping ito. Batid kong kulang ang aking nalalaman hinggil dito dahil hindi ko naranasan ang kung paano nakaapekto ang Martial Law sa buhay ng mga Pilipino noon. Batid ko rin na wala ako sa posisyon upang husgahan ang nakaraan. Ngunit nais kong ibahagi ang ilan sa aking mga nakasalamuha ilang araw lamang ang nakalilipas–sa pamamagitan ng Kagawaran ng Agham Panlipunan ng UPLB–na tunay na gumising sa aking natutulog na diwa sa pagpapahalaga sa nakaraan. 

Maraming negatibong epekto ang naging dulot ng batas militar. Sa pangmalawakang saklaw, bumagsak din ang ekonomiya. Ang utang ng bansa ay lumobo hanggang sa nalubog na tayo sa utang na hanggang sa kasalukuyan ay pinagbabayaran pa rin  natin. Nawala ang linya ng komunikasyon, nagkaroon ng pagmanipula sa pamamahayag at higit sa lahat, maraming buhay ang nawala dahil sa batas militar.

Lubos kong ikinalungkot ang mga kwento ng buhay ng ilang mga taong naging biktima ng batas militar. Ayon sa kanilang mga pahayag, kaypait ng kanilang sinapit sa kamay ng mga militar at mga taong makapangyarihan. Sa kanilang salaysay, mababatid ang sakit na kanilang pinagdaanan at ang sugat sa kanilang mga puso ay mananatiling sariwa sa panghabang panahon. Pinaso ng plantsa ang kanilang paa, ipinadukot ang kapatid na hindi na kailanman natagpuan, kinuryente hanggang batok, ginahasa, pilit na sinuotan ng patpat ang ari, ginawang ash tray ang bibig, binugbog at marami pang paraan ng pag alipusta sa karapatang pantao. Nakapaninidig ng balahibo. Nakaririmarim. 

Hindi mabibilang sa mga daliri ang luhang umagos mula sa kanilang mga mata. Ang dumanak na dugo ay tila ilog na walang katapusan. Ang kirot sa puso, kailanman ay hindi na mapaparam. At ang mga peklat na kanilang natamo ay simbolo ng pakikidigma sa kamay na bakal ng dating administrasyon.

Ngunit sa kabila nito, nakadudurog ng puso na nakikita pa rin ng kabataan ng makabagong panahon na maganda pa rin ang Martial Law– isang paninindigang hindi ko kailanman naiintindihan. Mula pagkabata ay namulat na ako sa masamang imahe ng Martial Law sa Pilipinas. Ngayon, mas matibay ang aking paninindigan na HINDI kailanman ito isang magandang kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas. Tila ikinatutuwa pa ng kabataan–at ng iba pang mga tao– na umiiral kuno ang curfew noon; may disiplina ang mga tao; madaming nagawa ang dating pangulo at kung anu-ano pang baluktot na pangangatwiran. 

Paanong hindi iiral ang curfew noon, hindi sila sigurado kung buhay pa silang makauuwi sa kanilang tahanan dahil sa usaping pangkaligtasan. Kabi-kabila ang mga sundalo o militar na maaaring kumitil sa buhay ng isang indibidwal sa isang kalabit lamang sa kaniyang rebolber o dalang sandata. Paanong hindi magkakaroon ng disiplina ang mga tao, kung isang maling kilos lamang nila– taliwas sa kilos ng mga taong may kapangyarihan–ay maaaring matagpuan na lamang silang nakahandusay sa daan.

Paanong hindi dadami ang gusaling naipatayo ni Marcos sa  tagal ng kaniyang panunungkulan? Ikaw ba naman ang maupo sa puwesto ng mahigit sa dalawang dekada, malamang sa malamang madami ngang gusali ang iyong maipatatayo. Isa pa, hindi niya sariling pera ang ginamit sa pagpapatyo ng mga gusaling ito. Galing ito sa kaban ng bayan. Hindi tayo dapat nagpapasalamat sa isang pangulo (kahit sinong pangulo) sa kanyang akto ng pagpapatayo ng iba’t-ibang mga istruktura. Hindi niya ito donasyon. Ang lahat ng ito ay ang bunga ng buwis mula sa pagsisikap ng mga manggagawang Pilipino– mula sa pawis na tumatagaktak habang sila ay nagtatrabaho at nagsisikhay sa buhay. Isa pa, tungkulin ng Pangulong tugunan ang mga pangangailangan ng bansa. Kasama ang nabanggit sa trabaho ng isang pinuno ng bansa. Subalit, hindi kailanman matutumbasan ng tayog ng anumang gusali ang mga pag-alipustang ginawa noon sa sangkatauhan at hindi nito maibabalik ang mga buhay na nawala dahil sa pagpapairal sa diktaturya at kamay na bakal. 

Patawarin ako ng mga taong sumasampalataya kay Marcos, ngunit hindi ako sang-ayon na ilibing siya sa Libingan ng mga Bayani… kahit alam kong wala din naman akong magagawa dahil napag desisyunan na ng Presidente ang usaping ito. Para sa akin, hindi isang kabayanihan ang pagkakait ng kalayaan at pagyurak sa karapatang pantao ng mga indibidwal na kaniyang nasasakupan. Hindi bayaning maituturing ang isang taong nag marka ng masasakit na alaala sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing biktima ng isang marahas na digmaan. Ang tunay na bayani ay naglilingkod sa mga taong abot ng kaniyang saklaw; iniisip ang kapakanan at ikabubuti ng nakararami; isinusulong ang mga batas at programang magbibigay ng paglilingkod sa mga mamamayan at isang taong nag iwan ng isang makabuluhang legasiya sa bansa.

Isa pang nakalulungkot na bagay ay ang tinatawag na “historical revisionism”. Minamanipula ang kasaysayan at pinagtatakpan ang madungis na bahagi nito gaya ng Batas Militar. Tila nababaligtad na ang takbo ng kasaysayan. Pilit na isinusubo sa murang isip ng kabataan na maganda ang naging bunga ng militarisasyon at diktadurya sa ating bansa. Sa tingin ko, kinakailangang maging mulat ng Kagawaran ng Edukasyon na muling isulat ang kasaysayan ng Pilipinas. Wala dapat itong pagtakpan o pabanguhing pangalan. Kinakailangang malaman ng kabataan ang mga aktwal na nangyari sa bansa, maganda man o masama. Bilang mga natatanging guro, imulat natin sa kanila ang realidad ng buhay sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga totoong nangyari noong kasaysayan. Walang kailangan itatwa, wala ring dapat pagtakpan. Sila na ang bahalang bumuo ng kanilang perspektibo sa mga kaganapan sa bansa natin noon hanggang sa ngayon.

Hindi na kailanman mabubura ang bangungot na ito sa bansa. Walang anumang gamot ang maaaring makapagpapigil na maalala natin ang pait na sinapit ng kapwa natin Pilipino noong panahong iyon. Isang malaking putik na ito sa imahe ng Pilipinas. Hindi na maibabalik ang parteng ito ng kasaysayan at kailangan na nating ipagpatuloy ang buhay sa kasalukuyan tungo sa hinaharap. Ngunit, hindi nangangahulugang kailangan natin talikdan ang kaganapang ito. Bagkus, kailangan pa rin nating isapuso ang pangyayaring nagpamulat sa atin ng nasyonalismo.

Ang maaari na lamang nating gawin ay ang pairalin ang ating pagiging kritikal sa pagsusuri ng mga bagay at mga usaping panlipunan. Hindi tayo dapat naniniwala sa kung ano lamang ang ating napapanood sa telebisyon o naririnig sa radyo o nababasa sa pahayagan at internet. Kailangan nating maging mapanuri. Hindi dapat tayo sumusunod sa dikta ng ilan o sumunod sa kung ano ang pinaniniwalaan ng karamihan. Kumbaga, alamin muna natin kung ano ang totoo o kung ano ang mga nakabubuti para sa bayan. Matuto na dapat tayo mula sa nakaraan. Nawa ay baunin natin sa ating paglalakbay ang lahat ng aral na ipinamulat sa atin ng Martial Law.

Malayu-layo na nga rin ang ating narating at malayo-layo pa rin ang ating lalakbayin. Sa ating pakikihamok sa daan, patuloy pa rin sana nating bigyan ng halaga ang kasaysayan at magiliw na dito ay magbalik-tanaw.

(C) UPLB Perspective

Paglalahad: Hindi ako salungat sa opinyon ng iba. Bagkus ay iginagalang ko ang lahat ng ito. Binibigyan ko ng respeto gaya ng respetong nais kong matamo patungkol sa pagkakalimbag ko ng artikulong ito.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s