Bayan ko, binihag ka, nasadlak sa dusa

Nakapanlulumong naihatid na sa kanyang huling hantungan ang dating pangulo ng Pilipinas na nagpahirap at nagpasakit sa libu-libong mga tao noong kanyang panahon. Inilibing nang palihim at hindi alam ng taumbayan. Tanging iilang mga tao lamang ang nakaalam. Naisahan. Nasalisihan. Nabigla na lamang ang sambayanan sa pangyayaring ito na gumulat sa bawat Juan dela Cruz. Hindi ba’t isa itong harap-harapang pagtataksil sa bayan? Isa itong malakas na sampal sa mukha ng sambayanang Pilipino. Tila wala na tayong karapatan sa mga desisyong kanilang ginagawa at isinusulong ang mga bagay kung saan wala na tayong magagawa. Nawawala na ang kapangyarihan ng mga Pilipino.

Hindi legal ang pagkakalibing sa bayaning itinuturing ng iba. Hindi pa pinal at konkreto ang decision ng Supreme Court ukol dito. Mayroon pang 15 days ang mga nagsampa ng kaso para mag-file ng Motion for Reconsideration, para umapela sa naunang desisyon. May hanggang sa susunod na linggo pa, pagkatapos maglabas ang Korte ng desisyon, ang mga petitioners para mag-file. Sa madaling salita, hindi pa tapos ang pangkalahatang pagdulog sa kaso. Ngunit inilibing na agad nila na wala man lang abiso sa mamamayang Pilipino. Hindi makatarungang sasabihin nila na para daw walang gulo. Dahil, magulo man o hindi ang sambayanan, Pilipino pa rin yan– kinatawan ng Pilipinas.

Hindi maitatangging napakarami ang pinaslang, itinapon ang mga bangkay at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan–at hindi na matatagpuan. Marami din ang hinalay, plinantsa sa buong katawan, sinaksakan ng patpat sa ari, dinukot na mga bata, ginawang ashtray ang bibig at iba pang mga uri ng pananakit sa sangkatauhan noong panahon ng Martial Law. Ito ang katotohanang nagpahirap sa marami at lumikha ng malalim na sugat sa kanilang puso. Hindi pawang ekspekulasyon  ang mga ito. Base ang lahat ng ito sa salaysay ng mismong mga naging biktima.

Ngunit marami pa rin ang sumasampalataya sa galing ni Marcos… na hindi  ko alam kung bakit. Bakit nila ituturing na isang “bayani” ang isang taong kayang pumaslang para sa pagpapanatili ng kanyang kapangyarihan? Para sa akin, hindi ganito ang tunay na bayani. Ang bayani, para sa akin, ay ipagtatanggol ang kanyang nasasakupan sa paraang kaya nya. Itataya nya ang sariling buhay para sa ikabubuti ng mga tao sa ilalim ng kanyang pamumuno at hindi yung siya na mismo ang gagawa ng paraan para kitilin ang buhay ng mga sibilyan upang mapanatili lang sa kamay ang kanyang kapangyarihan—sa loob ng maraming taon. Hindi rin siya magnanakaw mula sa kaban ng bayan para sa pansariling yaman. iisipin niya ang kahalagahan ng karapatang pantao at isusulong ang kampanya sa lakas ng bansa. Ngunit bakit sinusuportahan pa din ang pagiging bayani ni Marcos ng maraming Pilipino? Kumbaga, ninakawan ka na nga, nagpasalamat ka pa. Hindi ko maintindihan kung bakit galit sila sa mga magnanakaw, rapists at mamamatay-tao. Pero mahal na mahal nila si Marcos.

Sa tingin ko, kaya nila nasabi ang mga ganoong pahayag, hindi naman sila nakaranas ng bagsik ng Martial Law. Hindi sila nahalay at wala sa kanilang pamilya ang pinaslang. Ito ang hirap sa ating mga Pilipino. Nawawala na ang pagkakaroon ng hinanakit sa kapwa dahil hindi naman tayo ang nasa kalagayan nila. Ayos lamang sa iba na wala pa rin makamit na katarungan ang mga biktima dahil hindi naman sila kailanman nasaktan. Hindi na nila iniisip ang pinagdadaanan ng mga biktima. Bayani si Marcos dahil hindi sila nakaranas ng anumang pagmamaltrato. Ngunit paano ang mga naging biktima nito? Paano ang mga kaluluwang hindi pa nakakamit ang katarungan at hustisya? Paano na lang ang pamilyang hindi pa rin naghihilom ang sugat mula sa nakaraan? Kumbaga, may sugat na nga sila, binuhusan pa ng alcohol.

Marahil  nga ay mas bayani pa ang ilan nating kababayan na hindi natin madalas mapansin. Baka mas bayani pa ang mga guro na ibubuhos ang lakas sa loob ng isang buong maghapon para makapagbahagi ng dunong sa kabataan. Hindi niya alintana ang pagod at sabay-sabay na trabaho magampanan lamang ang kanyang tungkulin sa paghubog ng kaalaman ng mga estudyante. Siya ang tunay na bayani. O kaya naman ay ang mga natatangi nating doktor. Sila lamang ang mga tao sa mundo na gagamutin ka kahit ano pa man ang lahi mo o kung saang pamilya ka nabibilang. Hindi sila mag aatubili na mag-alay ng lakas para lamang mabuhay ang pasyenteng nag-aagaw buhay. Siya ang tunay na bayani. O kaya naman ang mga basurerong kumakayod para sa kalinisan ng pamayanan. Hindi nila pinapansin ang dumi at baho ng trabaho mapanatili lang ang kaayusan ng kapaligiran at mailayo sa sakit ang mga mamamayan. Siya ang tunay na bayani. Kabilang din ang mga magsasaka. Hindi pa man pumuputok ang araw, nasa bukid na sila. Titiisin ang mahapding sikat nga araw at ang butil-butil na pawis. Hindi para magtanim at mag-ani para sa sarili at sa pamilya, kundi para sa pambansang seguridad sa pagkain. Siya ang tunay na bayani. O huwag na tayong lumayo. Baka mas bayani pa nga ang mga magulang natin kaysa kay Marcos. Kahit may gawin tayong masama, tatanggapin nila tayo nang buong buo. Hindi ka man makasunod sa curfew, hindi ka nila papatayin o hahalayin. Hindi ka nila paplantsahin sa mukha. Sila yung mga taong susuportahan ka sa mga pangarap mo at kagustuhan; ipagtatanggol ka sa mga taong maaaring manakit sa iyo. At hindi nila hahayaan na malagay ka sa anumang panganib. Ipaglalaban ka nila hanggang sa huli. Sila ang mga tunay na bayani.

Hindi ko nakita ang mga katangiang ito kay Marcos. Hindi bayani ang isang nagdidikta sa mga dapat na gawin ng mga tao at nagpapairal ng kamay na bakal. Hindi robot na maaaring kontrolin ang buhay ng tao. At lalo at mas higit, hindi sasaktan ang mga taong kanyang pinamumunuan. Kung ang pagiging bayani ay nangangahulugang pagbubuwis ng buhay para sa bayan, para sa akin, hindi yan ang kahanga-hangang bayani. Hindi natin kailangang maging sundalo para maituring na isang bayani. Ang mas kahanga-hanga ay ang paggawa ng tama para sa kapakanan ng nakararami sa kanyang buong buhay at isang taong hindi marunong magtaksil sa bayan at sa kapwa.

Hindi na din ako magtataka kung bakit madaming kabit sa Pilipinas. Kung ang “Lider” nga nagtataksil sa bayan, sa iisang tao pa kaya? Kung kayang magtaksil ng pinuno, yung mga tao pa kaya? Hindi ba’t dapat ang isang pinuno ay nagsisilbing halimbawa para sa mga tao? Naglilingkod nang tapat at walang halong pamumulitika. Malinaw pa sa sinag ng araw, hindi isang magandang halimbawa si Marcos.

Nagpupuyos ang damdamin ko sa katwiran ng ilan kong kaibigan na kesyo, “Wala kang alam kasi di ka pa buhay nun”, “Bakit ka affected, buhay ka na ba nun?”, “Ang OA mo naman akala mo nabuhay ka noong panahon ni Marcos!”. Bakit ganito ang mga pananaw at katanungan nila? Ibig ba nila sabihin, kapag hindi ka pa buhay noong panahong iyon, wala ka nang karapatan na magsalita at magpahayag ng opinyon mo? Bakit pa natin inaaral sina Rizal at Bonifacio? Buhay na ba tayo noong himagsikan? Hindi pa naman, hindi ba? Pero nananaliksik tayo sa mga nangyari noon. Dahil ang nakaraan ay karugtong ng kasalukuyan at lalo’t higit, ng hinaharap. At mahalagang ungkatin pa rin ang nakaraan. Wala sa edad ang pag unawa sa kasaysayan. Hindi manyapa’t bata ay wala pang alam; at hindi porket matanda na ay siksik na sa kaalaman.

Hindi ko naman inihahayag ang aking mga paninindigan dahil sa wala lang o may masabi lang na may paninindigan. May ebidensya naman akong pinanghahawakan at hindi ko narinig lamang yan sa mga usapan sa kanto. Para saan pa at nag aaral ako kung madali akong mapaniwala ng kung anu-ano. Marunong naman akong manimbang ng tama at mali. Hindi pa man ako nabuhay noong panahong iyon, hindi ako tanga sa kasaysayan.

Ang iba ko namang mga kaibigan, “Move on na, bes.” “Nakakatawa ka bakit ka ganyan ka-affected?” “Stressed na stressed ka sa libing ni Marcos ah.” Hindi ko rin alam kung bakit parang wala silang pakialam sa nangyayari sa lipunan. Parang walang kwenta para sa kanila ang mga usapin ng ating bayan. Pakiramdam ko tuloy, hindi sila parte ng publiko. Sila yung mga taong nagkikibit-balikat lamang sa mga pangyayaring ito at mga walang paninidigan. Hindi ko nga sigurado kung may halaga pa ba sa kanila ang pagiging Pilipino o masabi lang na kasapi sila ng lahing kayumanggi. Wala kasi silang pakialam. Madali lang sa kanila ang sabihin ang salitang “move on”. Dahil ba sa hindi pa sila nabuhay noon at iba na ang panahon noon kaysa sa ngayon? Hindi dapat ganito. Makialam tayo sa isyu ng lipunan. Masakit mang isipin pero mas alam pa nila ang shade ng lipstick ni Kylie Jenner kaysa sa kasalukuyang pinagdadaanan ng Pilipinas.

Ayon kay Dr. Diokno sa kaniyang lecture kahapon lamang, may dalawang uri ng historical revisionism. Kung tama ang aking pagkakaintindi, ang una ay para itama ang mga kaalamang ating nakasanayan at dagdagan pa ang ating kaalaman sa kasaysayan. Ang pangalawa ay ang pagbago sa ilang sipi ng kasaysayan upang pagtakpan ang isang bagay. Mahalaga ang papel ng lahat ng uri pahayagan dito. Sila ang instrumento upang maipaabot sa atin ang mga tamang impormasyong walang halong anumang pagkiling. Sa palagay ko, ang mga impormasyong ibinibigay sa mga tao noon ay sinasala ng kaukulang mga pahayagan. Pinababango ang pangalan ng mga Marcos upang mapagtakpan ang mga di-makataong pagtrato ng mga ito sa Pilipino. Kumbaga, para akalain ng mga tao na maganda ang patutunguhan ng pagiging diktador niya. Para akalain ng tao na tahimik ang bansa at nasa maayos na kalagayan. Hindi naiparating sa kanila ang mga balita ng panghahalay, pagkitil ng buhay at iba pang pagmamaltrato dahil kontrolado ng iisang administrasyon ang daloy ng impormasyon. Salang-sala. Dahil takot at panagmba ang nananaig noon. Ngunit kagaya ng ibang pabango, lumilipas at nawawala din ang amoy sa pagdaan ng panahon. Sumisingaw ang baho.

Maaaring hinuhusgahan ko si Marcos kahit alam kong wala naman talagang perpektong adminstrasyon. Ngunit magkaiba ang “nagkulang” at “nang-abuso”. Yung una, hindi mo sinasadya. Yung ikawala, sinadya mo. Paulit-ulit. Kahit alam mong hindi na tama. Mali ang kontensyon ng iba kong kaibigan na inaakalang kapag ayaw mo kay Marcos, kampi ka kay Aquino. Sila lang ba ng mga tao noong panahong iyon? Wala na bang ibang susuotan? Maling-mali. Manyapa’t hindi ko gusto ang pamamahala ni Marcos, gusto ko ang administrasyong Aquino at ang mga sumunod pa. Hindi. Ang usapin tungkol sa mga Aquino ay isang bagong pahina at lalo na ang usapin tungkol sa kasalukuyang administrasyon. Hindi natin dapat pinagdudugtong-dugtong ang mga bagay na magkakaiba. Ituon natin ang ating atensyon sa isang usapin bago tumalon sa isa pa. Hindi tayo magkakaintindihan kung ipagpipilitan ng mga tao na kampi ang mga anti-Marcos sa mga Aquino o kung sa kanino mang Poncio Pilato. Himay-himayin natin bago timbangin. Hindi yung nauna pa tayong mang-away bago umunawa.

Nanlumo din ako sa pahayag ng isa kong kaibigan na hindi naman daw dapat ipagdiwang ang EDSA Revolution dahil bayaran naman daw ang mag sumapi dito at pawang mga tambay. Ikinalungkot ko ito. Parang hindi niya binigyan ng halaga ang pagtataya ng buhay ng mga Pilipino noon na nakipaglaban para sa demokrasya. Hindi sila bayaran. Sila ang mga taong may ipinaglaban at pinanindigan para sa bansa. Nawala na ang nasyonalismo sa atin at nagbubulag-bulagan tayo sa mga aktwal na nangyari. Hindi ko mababali ang kaniyang opinyon kung kaya’t iginalang ko pa rin ito.

Batid kong wala pa akong napapatunayan gaya ng ibang kabataan na nagra-rally at nagpo-protesta sa mga panahong ito. Tama ang sabi ng isa kong kaibigan. Wala pa akong napapatunayan. Wala akong laban sa mga taong mas nakatatanda sa akin na nakaranas diumano ng Martial Law. Ano ba namang laban ko sa mga taong bihasa na at tapos nang mag-aral? Edukado na sila. Ako nag-aaral pa. Dalawampu’t isang gulang pa lang ako, sila nasa gitna na ng kanilang buhay. Ngunit hindi ibig sabihin ay wala na akong magagawa para sa bayan at hindi ko pa maipapakita ang pagiging makabayan. Kagaya nila, Pilipino ako at may pagmamahal ako para sa bayan. May magagawa ako. Marahil ay tama sila, wala pa akong napapatunayan, hindi gaya nila. Pero hindi ito batayan para pigilan nila ako sa aking pamamahayag at paninimbang sa kung ano ang sa tingin ko ay tama. Ang pinakamahusay kong dapat gawin ay ang makapagtapos ng pag-aaral at maglingkod sa sintang bayan. Yan lang sa ngayon ang kaya akong maipangako.

Aaminin ko, nasasaktan ako sa tuwing may sinasabing komento ang aking mga kaibigan na taliwas sa paniniwala ko. Hindi ako nagagalit sa kanila, kay Marcos na iniidolo nila. Pero tila nagtatanim na sila ng galit sa akin sapagkat hindi kami parehas ng politikal na paninindigan. Pinepersonal na nila ako dahil sa mga paniniwala at opinion ko. Pero sa isang banda, may positibo naman itong epekto sa akin. Dahil dito, nakikilala ko kung sino ang mga totoong kaibigan. Sila yung igagalang pa din at irerespeto ang aking mga opinyon sa kabila ng salungat na paniniwala nila. Hindi sila magtatanim ng kung anu-anong sama ng loob sa akin bagkus ay magbibigay respeto. Nakikilala ko rin ang mga taong hindi dapat kinakaibigan. Dahil kaibigan ka lang nila kapag pareho kayo ng paninindigan, ngunit kaaway na ang tingin kapag magkaiba. Hinahangaan ko ang mga kaibigan kong inirerespeto pa din at naiintindihan ang aking mga sentimyento sa kabila ng pagkakaiba-iba. At aaminin ko din, nagbago ang tingin ko sa iba.

Ngunit kahit ano man ang maging opinyon ng iba, paninindigan ko pa rin ang aking mga opinyon. Minsan,kailangan nating manindigan sa kung ano ang sa tingin  natin ay tama at hindi ang magbulag-bulagan lamang sa mga pangyayari. May opinyon akong sa akin at may opinyon silang kanila. Panindigan natin kung ano ang sa tingin natin ay tama. Patuloy akong makikialam at mananaliksik sa mga usaping panlipunan. Pilipino ako. Maninindigan ako.

Nagtaksil ang pamahalaan at nailibing na si Marcos. Ngunit kahit kailan, hindi maililibing ang mapait na katotohanan ng nakaraan.

Advertisements

2 thoughts on “Bayan ko, binihag ka, nasadlak sa dusa

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s